Napanatili ng bagyong #CrisingPH ang lakas nito na ngayon ay isa nang tropical storm, ayon sa state weather agency PAGASA.
Ayon sa ahensya, inaasahang magla-landfall ang bagyo ngayong Biyernes, July 18, ng hapon o gabi sa mainland Cagayan o Babuyan Islands bago tahakin ang kanluran-hilagang-kanlurang direksyon patungong Extreme Northern Luzon at saka lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) Sabado ng hapon.
Gayunman, inaasahang lalo pang lalakas ang bagyo at aabot sa kategoryang Severe Tropical Storm bago lumabas ng bansa.
Kaugnay nito, itinaas na ang tropical cyclone wind signal number 2 sa mga lugar ng Batanes, Cagayan, kasama ang Babuyan Islands, northern at eastern portions ng Isabela, Apayao, northern portion ng Kalinga, northern portion ng Abra, Ilocos Norte, at sa northern portion ng Ilocos Sur.
Makakaranas sa mga nasabing lugar ng malakas na hangin na maaaring magdulot ng bahagyang pagkasira sa mga ari-arian at panganib sa mga residente.
Signal No. 1 naman ang umiiral sa nalalabing bahagi ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, nalalabing bahagi ng Kalinga, Mountain Province, Ifugao, nalalabing bahagi ng Abra, Benguet, nalalabing bahagi ng Ilocos Sur, La Union, northern portion ng Pangasinan, northern portion ng Aurora at sa northeastern portion ng Nueva Ecija. Maaari lamang itong magdulot ng bahagyang epekto sa mga ari-arian at mga residente.
Samantala, apektado naman ng southwest monsoon o habagat ang mga lugar sa Metro Manila, Batangas, Quezon, nalalabing bahagi ng Bicol Region, MIMAROPA, Visayas, Zamboanga del Norte, Camiguin, Misamis Oriental Surigao del Norte, Dinagat Islands, Davao Occidental, Davao Oriental, at Sarangani.
Batay sa pinakahuling forecast ng PAGASA ngayong Biyernes ng umaga, namataan ang bagyo sa layong 250 km silangan ng Tuguegarao City, Cagayan. - Marje Pelayo